Type: ProseGenre: Fiction
Author: Nonon Villaluz Carandang
Publisher: UST Publishing House
________________________
(review also published in The Varsitarian Vol. LXXVII, No. 6, October 28, 2005 )
WALANG bukod tanging salitang makapaglalarawan sa lahat ng kababaihan. Bagaman madalas ikabit ang mga katagang mayumi, mahinhin, maarte at maganda sa mga ka-baro ni Eba, hindi pa rin sapat ang mga ito upang lubusang ipakilala ang tunay na katuhan ng mga babae.
Sa “Angkan ni Eba,” isang lipon ng mga maiikling kwentong isinulat ni Ernesto Villaluz Carandang II na nagtapos ng Literature sa Unibersidad, masasalamin ang pagiging misteryoso ng mga babae. Umiikot ang tema ng mga kwento sa mga aspeto ng buhay kung saan nagiging kapantay ng mga babae ang mga lalaki. Inihahain ng bawat bida ang mga saloobin ng mga kababaihan sa iba’t ibang sitwasyon, lugar at panahon. Taglay ng bawat kuwento ang iba’t ibang kababaihang may angkin na mga kahanga-hangang pagkatao.
Sa nobeletang “Las Ingratas” matutunghayan ang kuwento ni Clara, isang kakaibang dalagang punung-puno ng hiwaga ang pagkatao. Malalim mag-isip si Clara at lagi rin siyang nag-iisa. Ika nga ni Clara sa isang bahagi ng nobeleta, “Ako ang bahaging nagsusumbong sa kalikasan. Ang nagwawaksi sa kagandahan ng mundo dahil sa aking kapalarang mabuhay nang mag-isa. Nais kong maging butil na muling uusbong sa pagsisimula nang panibagong buhay.”
Subalit nagbago ang lahat nang nanilbihan siya kina Don Miguel at Doña Benilda. Doon sa hacienda ng mag-asawa natagpuan ni Clara ang pag-ibig. Ipinapamalas din ng nobeleta na laging biktima ng mapang-aping lipunan ang kababaihan. Hindi nagbabago ang tingin sa kanila bilang mga taga-aliw, mga pag-aari at mga laruan. Gayunpaman, nagawa pa ring itaas ni Carandang ang imahe ng mga babae sa pamamagitan ng katauhan ng kanyang bidang si Clara.
Binabalanse ni Clara ang kahinaan at katatagan na makikita sa mga tauhang babae sa kwento. Sa unang basa, mapagkakamalang isang karaniwang babae rin lamang si Clara subalit habang patuloy sa pag-usad ang mga pangyayari, unti-unti ring nalalantad ang kanyang pagkatao.
Simula pa lamang, nababalot na ng misteryo ang nobeleta. Laman ng bawat kabanata ang mga pira-pirasong pangyayari sa nakaraan na muling binabalikan ng bida. Masasabing kahanga-hanga ang kakaibang balangkas ng kwento lalo pa at ito ang unang aklat na nailimbag ng may-akda. Binibigyang katarungan ng balangkas ang hindi maipaliwanag na takbo ng utak ng mga kababaihan.
Ipinapakita rin sa ilang bahagi ng nobeleta na sadyang makapangyarihan ang mga babae.
Kakaiba at mahirap basahin ang kanilang pag-iisip kung kaya’t ito ang nagsisilbi nilang sandata laban sa mga tusong kalalakihan. Ang talas ng pag-iisip at lakas ni Clara ang kanyang ginamit upang pabagsakin ang malaking hadlang sa katuparan ng kanyang minimithi.
Katulad din ni Clara ang bida sa maikling kwentong “Soledad”. Isang ordinaryong may-bahay si Soledad na walang ibang ninais kundi ang tratuhin nang maayos ng kanyang asawang itinuturing niyang isang anghel. Pinagbibigyan niya ang lahat ng gusto nito kahit pa nagpapalit anyo bilang halimaw ang anghel na kanyang tinitingala.
Aniya, “Mahal ko ang anghel. Galit ako sa halimaw sa tuwing magbabago ang tingin ng anghel sa akin. Ilang ulit kong iminungkahi sa kanyang hindi ko kaya ang palagiang pagbabago niya sa anyong halimaw. Pero ganoon pa rin, hindi siya lumulubay.”
Hindi nawalan ng pag-asa si Soledad na magbabago pa ang kanyang asawa hanggang sa dumating ang puntong hindi na niya kinaya pa ang kalupitan nito. Nakapagpasya siyang putulin ang sungay ng halimaw na lumalamon sa pagkatao ng kanyang anghel.
Isang gabi nang umuwi ang kanyang asawa, ginawa ni Soledad ang lahat ng gusto nito. Pinagbigyan niya ang kalupitan at sakit na idinudulot ng lalaki. Gayunpaman, nahulog sa bitag ang kanyang asawa. Nalinlang niya ang halimaw at nagawa niyang makatakas matapos tuldukan ang kasamaan nito.
Kapansin-pansin na nagawa pa ring natural at babaeng-babae ang dating ng mga tauhan kahit lalaki ang may-akda ng mga kwento. Nagsisilbing malaking tulong ang detalyadong paglalarawan sa mga kilos at ugali ng mga tauhan.
Sa kabuuan, kahit makikitang mahina ang mga babae sa ilang mga bagay at aspeto ng buhay, nananatili pa rin silang matatag at lumalaban. Hindi dahilan ang pagiging babae ng isang tao upang manatili na lamang itong nakasiksik sa isang tabi. Ang “Angkan ni Eba” ang isang magandang halimbawa ng larawan ng kababaihang bumabangon matapos nitong bumagsak.